Saturday, October 1, 2011

Simula nang ako'y isinilang, ako ay tinuruan na ng aking mga magulang ng tamang asal. Madalas nilang sabihin na mahalaga ang moralidad. Ako'y kanilang tinuruan kung ano ang tama at mali. Iminulat nila ang aking mga mata sa mga bagay na maaring maging dahilan ng pagkasira ng aking buhay at sa mga bagay na pwedeng makatulong sa aking ikatatagumpay. Ako ay nabibilang sa relihiyon na kung saan ang moralidad ay talaga namang pinahahalagahan. Karaniwan ko na itong naririnig tuwing ako ay papasok sa simbahan. Ito ang bukambibig ng mga tao sa aking kapaligiran ngunit sa kabila ng itinuturo sa ating mga kristiyano, bakit nga ba marami pa rin ang lumalabag o nabibiktima ng mga bagay na maaaring ikasira ng ating pagkatao? Ito ang isa sa mga karaniwang tanong na madalas ay pumapasok sa aking isipan.

Bago ang lahat, nais ko ring malaman kung ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang moralidad? Ang moralidad ay ang kalinisan ng ugali o kalinisang-asal ng isang tao at kumikilala sa kung alin ang tama at mali. Ito ang pamantayan ng pag-uugali at magandang asal, lalo na kapag inuugnay sa delikadesa at tamang pag-iisip. Ito ay karaniwang itinuturo sa atin ng ating mga magulang, sa loob ng paaralan, at sa loob ng simbahan.

Karugtong ng tanong sa aking isipan ay ang kasagutan nito. Aking napagtanto na maraming tao ang nawawala sa tamang pag-iisip dahil na rin sa problemang kanilang kinakaharap. Ano nga ba ang ilan sa mga problemang moralidad na karaniwang kinakaharap ng ating bansa?


Madalas na nating marinig ang salitang diborsyo o ang paghihiwalay ng mag-asawa sa panahon ngayon. Ito ay karaniwang laman ng balita na gagawin na daw itong legal dito sa ating bansa. Ito ay nakakalungkot dahil ito ay labag sa itinuturo sa atin ng simbahang katoliko at kristiyano. Ang paghihiwalay sa taong pinagsama sa harap ng Panginoon ay isang maituturing na kasalanan. Maraming mga bagay ang maaaring maging dahilan ng paghihiwalay ng isang mag-asawa. Marahil ay marami nang bagay ang hindi nila napagkakasunduan na maaaring nauuwi na lang sa pagtatalo at pag-aaway. Maaari rin naman na hindi na sila magkaintindihan kaya nawawala ang pagmamahal na isang mahalagang salik sa pagpapakasal at pagsasama ng dalawang tao ngunit ang paghihiwalay o diborsyo ay hindi sagot sa problema ng mag-asawa lalo na kung sila ay nabiyayaan na ng mga anak. Ang kadalasang epekto nito sa mga bata ay ang pagkasira ng buhay, pagrerebelde at ang pagkawala sa tamang landas ng mga bata. Ito ay itinuturing na kasalanan sapagkat ang pagpapakasal ay hindi isang biro. Una, Hindi solusyon ang paghihiwalay upang maayos ang problema. Bago magpakasal ang dalawang tao, dapat ay sinisigurado nila na handa sila sa relasyon at responsibilidad na kanilang pinapasok. Ang kanilang desisyon ay dapat nilang panindigan.


Isa pang kinakaharap na problema ng ating bansa ay ang paggamit ng pinagbabawal na droga ng mga tao. Maraming kabataan ang nasisira at napapariwara ang buhay ng dahil sa paggamit nito. Ang droga ay nakakasama sa ating katawan. Sinisira nito ang utak ng isang tao kaya maraming tao na gumagamit nito ay nawawala sa sarili. Hindi na nila nagagamit ng tama ang kanilang pag-iisip; hindi na nila alam kung ano ang tama at mali kung kaya't marami ang nagagawang krimen dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Isa sa mga dahilan ng hindi maiwasan na paggamit ng droga ay ang kahirapan at kakulangan sa edukasyon. Maraming bata sa ngayon ang hindi nakakapag-aral dahil sa kakulangan sa pera kaya kanila na lang pinagtutuunan ng pansin ang paggamit at pagbebenta ng droga. Ito rin ay malaking pagkakitaan kung kaya't marami ang nahihikayat na magbenta nito. Lingid sa kanilang kaalaman ay marami nang tao ang nasisira ang buhay dahil sa paggamit nito. Sila ay mawawala sa sarili at maaaring makagawa ng bagay na hindi maganda sa kanilang kapwa.


Ang maagang pagbubuntis ay isa ring problemang kinakahara ng ating bansa. Madalas na dahilan nito ay ang kahirapan at kakulangan ng edukasyon ng isang bata. Nang dahil sa kahirapan, ang isang bata ay hindi nakakapag-aral kaya naman maiisipan na lamang nito na magkaroon ng isang pamilya. Mayroon akong nabasang kwento tungkol dito. Ito ay galing sa http://kayumanggingdamdamin.i.ph/blogs/kayumanggingdamdamin/2008/10/27/buntis-po-ako-nay/

Naging bukas ang aking diwa sa usaping ito dahil sa isang dalagitang kapitbahay na nabuntis, kumbaga may isang pruweba na pwedeng maging basehan at hindi haka haka lamang ang aking akda. Hinahangaan ko siya sa kanyang katapangan na haharapin anuman ang idudulot ng kaniyang pagbubuntis sa kabila ng walang maayos na pagpaplano.
Hindi kaila sa ating lahat na napakalaki ng epekto ng ating pamilya sa usaping ito. Ang ating mga magulang na umaasa at nangangarap ng magandang bukas ay higit ang sakit na nararamdaman kung sa isang iglap ay mawawala ang pangarap na iyon.Maiintindihan ba natin ang ating mga magulang kung sakaling itakwil nila tayo?
Nagtanong tanong ako upang maunawaan ko ng higit ang dahilan ng mga kabataang babae kung bakit sila ay maagang naging ina. Hindi ko isanama ang mga batang napagsamantalahan, hindi nila ito ginusto, ngunit hinahangaan ko ang kanilang katatagan kung bubuhayin nila ang bata, magiging sandata nila ito upang ipagpatuloy ang laban.


Habang tumatagal ay parami ng parami ang kaso ng mga ganitong isyu sa moralidad. Napakarami pang ibang kinakaharap na problema ng ating bansa tungkol sa moralidad. Paano nga ba ito mawawakasan? May mga solusyon bang naiisip ang ating gobyerno para ito ay tuluyan ng mawala o mabawasan man lang?




"Values are like fingerprints. Nobody's are the same, but you leave 'em all over everything you do."
- Elvis Presley

"The life of the individual has meaning only in so far as it aids in making the life of every living thing nobler and more beautiful. Life is sacred, that is to say, it is the supreme value, to which all other values are subordinate."
- Albert Einstein

"Values are principles and ideas that bring meaning to the seemingly mundane experience of life. A meaningful life that ultimately brings happiness and pride requires you to respond to temptations as well as challenges with honor, dignity, and courage."
- Laura Schlesinger